Bago magpataw ng parusa sa mga motoristang walang RFID, pinatitiyak muna ni Sen. Grace Poe na makakapasa sa test ng reliability, efficiency at interoperability ang RFID system.
Ito ay kasunod ng kautusan na ibinaba ng DOTr, LTO, at Toll Regulatory Board (TRB) na papatawan ng parusa ang mga motorista na walang valid na RFID at walang sapat na balance kapag dadaan ng toll gate.
Pinunto ni Poe na may mga reklamo pa rin ang mga motorista sa tungkol sa kanilang karanasan sa paggamit ng RFID.
Gaya na lang ng hindi nababasang RFID sticker, maling basa sa remaining balance o hindi gumaganang mga RFID reader kaya minsan ay nauuwi sa manual payment ng toll.
Nais din malaman ng senador ang update sa una nang pangako ng Toll Regulatory Board ng ganap na pagpapatupad ng interoperability ng easy trip at autosweep services hanggang noong Hulyo para maging mas madali ang pagbiyahe.
Gayundin kung napaparusahan din ba ng TRB ang mga private operator para sa mga depektibong RFID devices.
Dapat aniyang patunayan muna ng mga regulator at private entities na makapagbibigay ng magandang travel experience ang RFID system. | ulat ni Nimfa Asuncion