Umaasa si Senador JV Ejercito na masususpinde na muna ang paglilipat ng sobrang pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa unprogrammed funds ng pamahalaan.
Ayon kay Ejercito, dapat munang unahin ang pagpapalawak ng benefit package at ibaba ang kontribusyon o premium ng mga PhilHealth members.
Dapat rin muna aniyang bayaran ng health state insurer ang mga utang nito sa mga doktor at ospital.
Oras na magawa ito ay saka dapat pag-aralan ng state health insurer kung mayroon pa silang savings na pwedeng ibigay sa Department of Finance para ipagamit sa mga proyekto ng gobyerno.
Una nang sinabi ni PhilHealth President and CEO Emmanuel Ledesma na mula sa ₱89.9 billion na inutos na ilipat sa unprogrammed funds ay ₱20 billion pa lang ang nakokolekta at ang ibang bahagi ay sa Agosto, Oktubre, at Nobyembre pa kukunin.
Umaasa rin si Ejercito na tutuparin ni Ledesma ang pahayag nitong irerekomenda kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na babaan ang kontribusyon ng mga PhilHealth members. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion