Naghain si Senador Loren Legarda ng isang panukalang batas para mabigyan ng benepisyo ang mga opisyal ng barangay.
Sa ilalim ng Senate Bill 2786 o ang Regularization of Barangay Officials Bill, ang punong barangay, miyembro ng Sangguniang Barangay, Sangguniang Kabataan (SK) chairperson, barangay secretary, at barangay treasurer ay ituturing nang regular na empleyado ng pamahalaan.
Itinatakda nitong magawaran sila ng buwanang sweldo at allowances; maging miyembro ng GSIS, PhilHealth, at PAG-Ibig; at mabigyan ng iba pang mga benepisyo alinsunod sa Civil Service Law.
Nakapaloob din dito na ang sweldo ng chairman ng barangay ay magiging katumbas ng sa konsehal ng bayan o siyudad; ang mga miyembro ng Sangguniang Barangay ay may katumbas na 80% ng suweldo ng kapitan; at 75% para sa SK chairperson, kalihim, at ingat-yaman ng Barangay.
Giit ni Legarda, dapat ma-incentivize ang basic unit ng pamahalaan para sa kanilang pagseserbisyo sa bayan, lalo’t sila ang pinakanaaabot ng mga tao.
Sa pamamagitan aniya ng pagpapasa ng panukalang ito ay kinikilala ang mahalagang papel ng mga opisyal ng barangay sa community development at peacekeeping. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion