Sen. Poe, tiniyak na babantayan nila ang paglalaan ng pondo para sa unprogrammed funds sa ilalim ng 2025 National Budget

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nangako si Senate Committee on Finance Chairperson Senator Grace Poe na babantayan niyang maigi ang ano mang tangka na palakihin ang unprogrammed appropriations sa ilalim ng 2025 national budget.

Ang unprogrammed appropriations ay ang mga pondo na wala pang tukoy na mapagkukunan at nakasalalay lang ito sa extrang kita ng pamahalaan o sa uutangin ng gobyerno.

Ayon kay Poe, dapat mas maging transparent ang Bicameral Conference Committee meeting pagdating sa budget sa pamamagitan ng detalyadong pagre-report ng mga pagbabago sa panukalang budget.

Nangako ang senator na ano mang pagbabago sa panukalang budget ay ilalahad niya sa bawat senador para matalakay nang husto.

Matatandaang mula sa P281.9 billion na panukalang unprogrammed funds sa ilalim ng 2024 National Expenditure Program (NEP), lumubo sa P731.4 billion ang unprogrammed fund para ngayong taon matapos ang ginawang bicam noon.

Sa ilalim ng panukalang 2025 budget, nasa P158 billion ang nakalaan sa unprogrammed funds.

Sa budget hearing sa Senado, sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman, na sakop ng unprogrammed funds ang mga infrastructure project na popondohan sana ng Official Development, pero wala pang approval sa National Economic and Development Authority.

Bukod naman sa unprogrammed funds, nangako rin si Poe na babantayan ang Confidential and Intelligence Fund, para matiyak na ang mga karapat-dapat lang na mga ahensya ang mabibigyan nito. | ulat ni Nimfa Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us