Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang National Bureau of Investigation (NBI) na ituloy ang imbestigasyon sa pag-iisyu ng pekeng birth certificates para matiyak na ang mga sangkot sa naturang iligal na gawain ay mananagot sa batas.
Partikular na tinukoy ng senador ang 1,051 late registrants mula 2016 hanggang 2023 na natagpuan sa Sta. Cruz sa Davao del Sur.
Ayon kay Gatchalian, dapat i-validate at tukuyin ng NBI ang mga late registrant na ito dahil ang pangamba niya ay mas marami pang kaso na tulad nito at maaari nilang abusuhin ang sistema.
Binigyang diin ng mambabatas na ang birth certificate ay batayan ng pagiging isang Pilipino at ang mga dayuhan na nakakakuha ng birth certificate na nagsasabing sila ay Pinoy ay nakakakuha rin ng Philippine passport, national ID at nakakabili pa ng lupa sa bansa.
Inihalimbawa pa ng senador ang nangyari sa kaso ni suspended Mayor Alice Guo na pinaniniwalaang iisa sa Chinese national na si Guo Hua Ping at nahalal bilang alkalde ng Bamban, Tarlac gamit ang pekeng birth certificate.
Umaasa si Gatchalian na sa pamamagitan ng mga solusyon laban sa pekeng birth certificate at sa pagiging mapanuri sa proseso ng late registration ay maiiwasan ang mga manananamantala sa mga proseso ng gobyerno. | ulat ni Nimfa Asuncion