Muling iginiit ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na napapanahon nang pulungin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang National Security Council (NSC) para makabuo ng mas tukoy na hakbang kaugnay ng aksyon ng China sa loob ng ating teritoryo.
Iminumungkahi rin ni Tolentino na mag-demand ang ating pamahalaan ng kompensasyon mula sa gobyerno ng China para sa pinsalang idinulot sa dalawang Philippine Coast Guard (PCG) vessel ng pagbangga ng barko ng Chinese Coast Guard sa may Escoda Shoal.
Pinunto ng Senate Special Committee on Admiralty Zones chairperson na sa ilalim ng UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea), maaaring mapanagot ang may-ari ng barko na nakapinsala sa ibang sasakyang pandagat.
Iminumungkahi rin ng mambabatas sa Office of the Solicitor General (OSG) at ang Department of Justice (DOJ) na bumuo ng isang specialized team ng mga abogado na hahawak sa mga maritime cases dahil ang mga kasong ito ay may kaugnayan sa specialized aspect ng International Law at Maritime Law.
Balak ng senador na talakayin ito sa dalawang ahensya oras na talakayin sa committee level ang kanilang panukalang 2025 Budget. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion