Inamin ni Senador Sherwin Gatchalian na natatagalan siya sa paghahain ng kaso laban kay dating Mayor Alice Guo at sa iba pa, para sa kaugnayan ng mga ito sa mga na-raid sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.
Matatandang Marso pa ng taong ito unang pinalutang ni Gatchalian ang posibleng kaugnayan ni Guo sa pagpapatayo ng POGO hub sa Bamban kung saan may mga natuklasan ring iligal na mga aktibidad.
Ipinunto ni Gatchalian, na hanggang ngayon ay nasa prosecution level pa lang ang mga kaso laban kay Guo.
Partikular na nababagalan ang senador sa paghahain ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng kasong money laundering kina Guo lalo’t malinaw namang may ganitong kaso na nangyari.
Dahil dito, wala pa ring nailalabas na hold departure order (HDO) laban sa mga sangkot sa kaso.
Kung tutuusin rin aniya, ang arrest order pa lang na meron laban kay Guo ay ang mula sa Senado dahil sa hindi nito pagdalo sa mga Senate hearing.
Binigyang diin ni Gatchalian, na dapat na itong magsilbing leksyon sa gobyerno na bilisan ang pangangalap ng ebidensya at pagsasampa ng kaso para hindi nakakatakas ang mga may-sala. | ulat ni Nimfa Asuncion