Nakapag-usap na sina Senate President Chiz Escudero at si Senador Sherwin Gatchalian tungkol sa plano na kasuhan si Alice Guo dahil sa pagsisinungaling nito under oath at sa pagsuway sa subpoena ng Senado.
Una nang sinabi ni Gatchalian na sasampahan ng mataas na kapulungan ng kasong perjury at pagsuway sa subpoena si Guo, na parehong may nakatakdang parusa sa ilalim ng revised penal code.
Ayon kay Escudero, nai-refer na nila sa Senate legal ang usapin at pinag-aaralan na kung sino ang gagawa ng affidavit para sa kaso.
Kailangan kasi aniyang ang gagawa ng affidavit ay may personal knowledge tungkol sa mga kasong isasampa.
Pwede aniyang ang Senate Sergeant at Arms ang maghain ng affidavit kaugnay ng hindi pagsunod sa subpoena bilang sila ang naatasang magbigay ng subpoena at umaresto kay Guo.
Target ng Senate President na maisampa na ang kaso sa lalong madaling panahon.
Pero nais nilang tiyakin muna na pulido ang kaso para masigurong hindi ito mababasura ng korte.| ulat ni Nimfa Asuncion