Nanindigan si Senador Sherwin Gatchalian na itutuloy ng Senado ang pagsasampa ng kasong kriminal laban kay Guo Hua Ping, na kilala rin bilang Alice Guo, para sa perjury at para sa kanyang patuloy na pagsuway sa subpoena ng Senado.
Ito ay sa kabila ng mga ulat na nakaalis na siya ng bansa.
Binigyang-diin ni Gatchalian na ang pagtakas ni Guo ay hindi dapat humadlang sa pag-usig ng gobyerno sa kanya.
Isa lang aniya itong temporary setback para sa bansa pero dapat ituloy ang mga kaso.
Binigyang-diin ng mambabatas, na ang mga maling pahayag ni Guo habang nasa ilalim ng panunumpa, at ang pagtanggi ni Guo na dumalo sa mga pagdinig ng Senado sa kabila ng subpoena at arrest warrant ay paglabag sa Revised Penal Code.
Matatandaang nag-isyu na ang Senado ng arrest order laban kay Guo at iba pang indibidwal dahil sa pagtanggi nilang dumalo sa mga pagdinig na isinagawa ng Committee on Women, Children, Family Relations at Gender Equality.
Tiniyak rin ni Gatchalian, na sisiguraduhin niyang mananagot ang mga tumulong sa pagtakas ni Guo. | ulat ni Nimfa Asuncion