Tiniyak ni Deputy Majority Leader JV Ejercito na kumikilos na ang Senado para mapababa ang kontribusyon ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sinang-ayunan ni Ejercito ang pahayag ni Finance Secretary Ralph Recto, na ang Kongreso na dapat ang gumawa ng paraan para mapababa ang kontribusyon ng mga PhilHealth member.
Ito na aniya ang ginagawa nila ngayon sa pagtalakay ng panukalang amyenda sa Universal Health Care (UHC) Act.
Base aniya sa pinakahuling talakayan ng panukalang ito sa plenaryo ng Senado, isinusulong na ibaba ang contribution rates ng mga member sa 4% mula 5%, para matulungan ang members at employers na makarekober sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Dinagdag pa ni Ejercito, na ang isinusulong pa nga ni Minority Leader Koko Pimentel ay ibaba pa ang contribution rate sa 3%, bagay na pagdedebatehan pa nila sa mga susunod na araw.
Sa kabilang banda, tiwala ang senador na hindi pababayaan ni Secretary Recto ang pagpapatupad ng UHC law bilang isa ito sa naging principal author ng naturang batas noon sa Senado.
Nakasaad rin aniya sa batas na kung mayroon mang excess funds ay dapat gamitin ito sa pagpapabuti ng mga benepisyo at health packages ng PhilHealth at pagbabayad ng mga utang sa mga ospital at doktor. | ulat ni Nimfa Asuncion