Nilinaw ng pamunuan ng Mataas na Kapulungan na walang dapat ikabahala sa nangyaring hacking sa Senate website ngayong araw.
Sa statement na inilabas ni Senate Spokesperson Atty. Arnel Bañas, kinumpirma nito ang pahayag ng Department of Information and Communications Technology (DICT) tungkol sa nangyaring hacking.
Gayunpaman, ang mga username at logs aniyang nakuha mula sa Senate Sharepoint ay ang mga account na ginagamit lang para sa pag-upload ng mga public documents.
Sinabi ni Bañas na ang mga na-hack na datos ay wala namang dulot na security risk at walang anumang sensitibo o confidential data na apektado.
Ayon sa opisyal, ang mga na-access na dokumento ay ang mga transcript ng committee hearings, journals ng plenary sessions at iba pang legislative documents na para naman talaga sa public consumption.
Katunayan, ang mga dokumentong ito aniya ay pwedeng hingin ng sinuman kapag hiningi sa senado.
Sa huli, tiniyak ni Bañas na patuloy na tinitiyak ng mataas na kapulungan na mananatiling ligtas at protektado ang kanilang website. | ulat ni Nimfa Asuncion