Pinagpapaliwanag ni Senador Sherwin Gatchalian ang Energy Regulatory Commission (ERC) kaugnay ng pag-apruba nito ng taas-singil sa kuryente simula sa Oktubre.
Ayon kay Gatchalian, dapat matiyak na ang anumang pass-through charges ay makatwiran para masigurong hindi magiging pabigat sa mga consumer ang pagtaas ng presyo ng kuryente.
Nauna nang inaprubahan ng ERC ang pagtataas ng rate ng Meralco kasunod ng nakukuha nitong mas mataas ring suplay mula sa natural gas-fired power plants.
Batay sa resolusyon ng ERC, pinapayagan nito ang Meralco na i-reflect sa electricity bill ang adjusted rates mula sa gas-fired power plants ng First Gas Power Corp. at FGP Corp. simula sa Oktubre.
Kaya inaasahang aabot sa 32 hanggang 33 sentimos ang rate hike kada kilowatt-hour (kWh) buwan-buwan sa loob ng 12 buwan.
Sinabi ni Gatchalian na dapat imbestigahan ng ERC ang presyo ng LNG na kinontrata ng mga planta ng gas na humantong sa pagtataas ng singil.| ulat ni Nimfa Asuncion