Itinakda na sa August 15 ang pagdinig ng Senado tungkol sa epekto ng malawakang oil spill na idinulot ng paglubog ng motor tanker (MT) Terranova.
Ayon kay Senate Majority Leader Francis Tolentino, bubusisiin ng senado ang puno’t dulo ng oil spill at ang epekto nito sa halos 46,000 na mga mangingisda, food security ng bansa at sa ating marine diversity.
Una nang inihain ni Tolentino ang Senate Resolution No. 1048 para makakuha ng update sa clean-up efforts ng Philippine Coast Guard (PCG) sa oil spill.
Nais rin aniya ng senador na malaman kung paano mapapahigpit ang mga panuntunan sa ganitong mga insidente gayundin ang pagpapalakas ng ating kakayahan para tumugon ng mabilis at epektibo kapag may nangyaring oil spill.
Kaugnay nito, nanawagan rin ang senador sa Department of Agriculture (DA) na makipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno para matulungan ang mga tindera ng isda, na nawalan din ng kita dulot ng oil spill at mga idineklarang fish ban. | ulat ni Nimfa Asuncion