Magkakasa ang Senado ng imbestigasyon sa Martes tungkol sa paglabas ng Pilipinas ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, na may outstanding warrant of arrest mula sa Senado at may patong-patong na kaso mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Ayon kay Hontiveros, bumuo si Senate Committee on Justice and Human Rights Chairman Senador Koko Pimentel ng subcommittee para imbestigahan ang partikular na isyung ito at siya ang in-assign na chairman ng subcommittee na mangunguna sa pagdinig.
Partikular na aalamin ng subcommittee kung paano at bakit pinalabas ng bansa si Guo at kung sino ang mga kasabwat o nagpabaya kaya nangyari ito.
Isa sa mga ipapatawag ang abogado na nagsabing humarap sa kanya si Guo para sa notaryo ng counter affidavit nito
Kaugnay niyan, sinabi ni Hontiveros na kung too mang labas pasok ng Pilipinas si Guo ay mas lalo itong dapat imbestigahan dahil hindi ito katanggap-tanggap.
Aalamin din ng subcommittee kung saan lumabas ng Pilipinas si Guo, kung sakay ba ito ng chartered o commercial flight o kung sa airport o seaport ito dumaan.
Idinagdag din ni hontiveros na dahil naka-freeze ang assets ni Guo ay posibleng may tumutulong rin sa kanya mula sa ibang bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion