Bukod sa mga atletang nakapag-uwi ng medalya para sa Pilipinas sa isinasagawang 2024 Paris Summer Olympics, iminungkahi ni Senate President Chiz Escudero na mabigyan din ng pabuya at parangal si Pinoy pole vaulter EJ Obiena.
Matatandaang nakuha ni Obiena ang 4th place sa Pole Vault Finals sa Olympics.
Para kay Escudero, ipinakita ni Obiena ang laki ng puso na patuloy na lumaban hanggang sa makakaya ng kanyang katawan at lakas.
Nang matanong naman tungkol sa plano ng Senado na ibigay na pabuya kay double Olympic gold medalist Carlos Yulo, sinabi ng Senate President na pinag-aaralan pa nilang mga senador kung magkano ang ibibigay kay Yulo.
Base sa tradisyon ay nag-aambagan aniya ang mga senador para dito.
Samantala, isinusulong naman ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na mabigyan din ng Senate Medal of Excellence si Filipina boxer Nesthy Petecio dahil sa ipinamalas nitong karangalan para sa bansa sa Paris Olympics.
Sa inihaing Senate Resolution 1122 ni Estrada, sinabi nitong nakatatak na sa kasaysayan ng bansa si Petecio bilang two-time Olympic medalist.
Una nang nakakuha ng silver medal si Petecio noong 2020 Tokyo Olympics at ngayong 2024 Paris Olympics ay nasungkit nito ang bronze medal. | ulat ni Nimfa Asuncion