Humarap sa pagdinig ng Senate Subcommittee on Justice si Shiela Guo, ang kapatid ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Matatandaang kahapon ay inilipat sa Senado ang kustodiya ni Guo mula sa National Bureau of Investigation (NBI) bilang may warrant of arrest ang Mataas na Kapulungan laban sa kanya.
Hindi naman nakadalo sa pagdinig ng Senado si Cassandra Ong, na nasa kustodiya naman ng Kamara.
Ayon sa committee secretariat, nag-request na sila sa Kamara, partikular sa quadcomm, na makadalo si Ong sa Senate inquiry ngayong araw pero walang naging tugon sa kanila.
Ibinahagi naman ni Senate subcommittee chairperson Senadora Risa Hontiveros ang liham mula sa abogado ni Ong na si Atty. Ferdinand Topacio.
Dito, nagre-request si Topacio na huwag nang dumalo si Ong sa pagdinig ng Senado at iginigiit nito ang right to remain silent ng kanyang kliyente.
Tugon naman ni Hontiveros, premature itong request ni Topacio dahil hindi pa naman nila alam kung ang itatanong ng mga senador ay incriminating.
Samantala, sa kanyang opening statement, inilatag ni Hontiveros ang initial timeline ng pag-alis sa bansa nina Guo.
Noon aniyang July 18, 2024 ay pinaniniwalaang dumating ng Malaysia si Alice Guo at ilan pa.
Noong July 21 saka sila lumipad patungong Singapore;
July 28 nang magtungo ang mga magulang ni Alice na sina Jian Zhing Guo at Lin Wen Yi sa Singapore mula sa China habang si Cassandra Ong ay nasa Singapore na aniya mula pa noong June 11, 2024
Si Wesley Guo ay nagtungo sa Batam, Indoneia mula Singapore sakay ng isang ferry.
Matapos ang dalawang araw, noong August 18, ay sinundan nina Alice, Shiela at Cassandra si Wesley sa Indonesia gamit ang kanilang mga Philippine passport. | ulat ni Nimfa Asuncion