Tiniyak mismo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa mga mambabatas na patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad sina Pastor Apollo Quiboloy at dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Tugon ito ni Abalos sa interpelasyon ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel kung bakit hirap ang mga otoridad na hulihin ang mga ‘big personalities’ gaya ni Quiboloy at Guo ngunit ang mga maliliit na indibidwal ay hindi, lalo na umano ang mga na-red tag.
Giit ng kalihim, maski sino na kailangan hanapin ay hinahanap nila.
“Maski sino po, hahanapin po namin…I would just like to place it on record, na hindi po kami ganun. As far as Quiboloy is concerned and the others, ginagawa namin.” saad ni Abalos
Katunayan, nakademanda pa nga aniya sila dahil sa ginawang raid sa Kingdom of Jesus Christ.
“Nakademanda po ako ngayon, ang PNP dahil sa pag-raid po namin sa Kingdom of Jesus [Christ]. And we are going answer these accusations against us. That’s for the record. Hindi po kami ganun,” giit ng DILG secretary.
Si Quiboloy ay may arrest warrant dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) No.7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act, at RA No. 9208 o Qualified Human Trafficking.
Habang si Guo naman ay iniuugnay sa kontrobersiya ng POGO.
Ayon naman kay PNP Chief Rommel Marbil, nagpapatuloy ang imbestigasyon at tracking sa dalawa katuwang ang iba pang mga ahensya lalo na ang Bureau of Immigration.
“We’re continuous po yung investigation namin and continuous po yung tracking po natin. Especially po yung Bureau of Immigration (BI), and of course yung intelligence unit po natin from national security agency…With regard to Quiboloy, ganun pa rin po yung ginagawa namin, tuloy-tuloy pa rin po yung surveillance namin dun sa area po, and yung location po ng limang taong hindi pa po nahuhuli, kasama po ni pastor, ni fugitive Apollo Quiboloy.” Pagbabahagi ni Marbil | ulat ni Kathleen Forbes