Mas madalas nang matatanggap ng mga indigent senior citizen ang kanilang social pension.
Ito ay batay sa Memorandum Circular na inilabas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan hindi na papayagan ang semestral payment para sa social pension ng mga senior citizen.
Nakasaad sa nasabing Memorandum Circular, kung hindi maibigay ng buwanan ang social pension, maaari naman itong mai-release kada ikalawa o ikatlong buwan.
Gayunpaman, exempted sa monthly releasing ng stipend ang mga benepisyaryong nakatira sa mga malalayong lugar o mga lugar na nasa ilalim ng State of Calamity, at mayroong armed conflict.
Ang Social Pension ay dagdag na tulong mula sa gobyerno alinsunod sa “Expanded Senior Citizens Act of 2010” na naglalayong mabigyan ng monthly stipend ang mga indigent senior citizens upang matugunan ang kanilang mga pang-araw-araw na pangangailangan. | ulat ni Diane Lear