Kinilala ni Speaker Martin Romualdez ang tulong ng mga kasamahang mambabatas sa pagsusulong ng mga lehislasyon na makakatulong sa mga Pilipino.
Kasunod ito ng nakuhang mataas na trust rating ng House leader sa isinagawang 2nd quarter survey ng OCTA Research kung saan umakyat sa 62% ang trust rating ng House Speaker at nakapagtala pa ng 9 percent na pagtaas sa rating mula Mindanao na 51% mula sa dating 42%.
Magsisilbi aniya itong inspirasyon para sa kaniya at iba pang miyembro ng Mababang Kapulungan na magpasa ng mga panukala na magsusulong sa kapakanan ng mga Pilipino.
Ipinapakita rin aniya nito na nasa tamang direksyon ang kanilang pagta-trabaho kaya’t magpapatuloy aniya ang kanilang dedikasyon na higitan pa ang kanilang ginagawa sa Kongreso.
“We attribute these positive trust ratings to the collaborative efforts of the House in passing pro-people legislation and conducting thorough oversight functions to address critical national issues. Tayo ay lubos na nagpapasalamat sa sambayanang Pilipino sa pagtitiwalang patuloy nilang ibinibigay sa ating liderato sa Kongreso. It is both humbling and inspiring for me. Your faith in our work in Congress is a constant reminder of the immense responsibility we carry in serving this nation,” ani Speaker Romualdez.
Sa kaparehong survey ay lumabas din na tumaas sa 71% ang trust ratings ng Pangulong Ferdinand R. Marcos para sa ikalawang quarter ng 2024, mula sa 69% noong first quarter.
Habang 68% rin ng mga Pilipino ang nagsabi na satisfied sila sa performance ng Pangulo, mula sa 65% noong unang quarter ng 2024. | ulat ni Kathleen Forbes