Kinumpirma ng pamunuan ng New Bilibid Prison (NBP) sa Lungsod ng Muntinlupa na magsasagawa ang Commission on Elections (COMELEC) ng special voter’s registration sa persons deprived of liberty (PDLs) ngayong araw at bukas.
Ayon kay Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., nasa mahigit 2,000 PDLs ang pinayagang makibahagi sa nasabing registration process.
Paliwanag nito, naka appeal pa umano ang mga kaso ng nasabing PDLs.
Giit pa ng heneral, na kahit pa nakakulong ang mga ito basta hindi pa convicted with finality ay kailangang ipatupad ang karapatan ng mga itong makaboto, base na rin aniya sa Comelec Resolution No. 9371.
Dagdag pa ni Catapang, naikasa na nila ang security arrangement para sa nasabing registration kung saan pangungunahan ito ni CSINSP Henry Avila bilang Ground Commander habang tutulong naman ang PNP Muntinlupa City.
Nagsimula ngayong araw ang naturang special registration bandang alas-8 ng umaga habang inaasahang matatapos ito mamayang alas-3 ng hapon. | ulat ni Lorenz Tanjoco