Pinaigting pa ng Philippine Red Cross (PRC) ang kanilang pag-alalay sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI).
Ito’y kasunod na rin ng pagdagsa ng mga pasyenteng mayroong Leptospirosis sa nabanggit na ospital.
Ayon kay PRC Chairman at CEO, Richard Gordon, walang tigil ang pag-alalay ng kanilang 15 member Medical Corps at Nursing team sa NKTI sa nakalipas na limang araw.
Giit ni Gordon, kailangang magtulungan ng lahat upang malabanan ang pagkalat ng naturang sakit at tulungan ang mga apektado nito.
Kasunod nito, hindi rin tumitigil ang PRC sa pamamahagi ng doxycycline na siyang mainam na prophylaxis para sa mga mayroong Leptospirosis.
Maliban sa NKTI, sinabi ni Gordon na naghahanda na rin silang magpakalat ng mga volunteer sa iba pang mga ospital gaya ng San Lazaro na posibleng dagsain din ng mga apektado ng sakit.
Kabilang sa mga handa nilang ibigay ay ang mga karagdagang nursing staff, dialysis technicians, hospital beds, at medical tents kung kinakailangan. | ulat ni Jaymark Dagala