Pinaalalahanan ngayon ni Taguig-Pateros Representative Ricardo Cruz Jr. ang kaniyang kasamahang mambabatas na si Taguig 2nd District Representative Pammy Zamora na mayroong sinusunod na alituntunin pagdating sa pamamahagi ng tulong sa mga nasalanta ng kalamidad.
Ito’y matapos na ring mag-viral ang lady solon sa mga binitiwang salita at naging asal matapos hindi makapasok sa evacuation center sa Barangay Fort Bonifacio noong July 25 para mag-abot ng relief goods dahil sa kawalan ng koordinasyon sa Taguig City Social Welfare and Development Office (CSWDO).
“Imbes na magbigay ng lakas sa mga apektadong kababayan at sa mga kawani ng barangay at lungsod na tumulong sa kanila, nagbitaw pa siya ng masamang pananalita at naglabas ng ‘di tamang pag-uugali,” sabi ni Cruz.
Dagdag pa ni Cruz, hindi naman na bago sa politika si Zamora kaya dapat ay alam na niya ang protocol na dapat idaan sa CSWDO ang tulong para sa epektibong distribusyon.
Katunayan, mismong si Senador Imee Marcos, aniya, at iba pang pribadong organisasyon na nagpaabot ng tulong ay may sinunod na protocol.
“Siya dapat mismo ang manguna sa pagsunod sa mga patakaran katuwang ang CSWDO at Barangay Affairs Office upang masiguro ang kaligtasan at kaayusan. Kaya umayos tayo, Cong. Zamora. Sumunod tayo sa mga itinatag na protocols and suportahan natin ang proseso ng ating LGU (local government unit) upang matiyak na epektibong makakarating ang tulong sa mga kababayang nangangailangan,” ani Cruz. | ulat ni Kathleen Jean Forbes