Nagsanib pwersa ang Thames International School, Department of Education, at Department of Trade and Industry para maisakatuparan ang kagustuhan ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mabigyan ng mas maraming trabaho ang mga Pilipino.
Sa mismong tanggapan ng Department of Trade and Industry isinagawa ang isang ceremonial signing ng memorandum of agreement sa pagitan ng nabanggit na mga ahensya at katuwang na pribadong sektor.
Ang Department of Education ang magsusuplay ng senior high school students sa Thames International School para makapag-aral ng bagong e-commerce course, habang ang DTI naman ang magre-refer sa mga ito sa mga trabahong pasok sa kanilang pinag-aralan.
Ayon kay DepEd Sec. Sonny Angara, ang naturang programa ay malinaw na tugon sa nais ng Pangulong Marcos na mas maraming oportunidad para sa mga grade 11 at grade 12 graduates.
Ipinagmalaki naman ni Jaime Noel Santos, ang co-founder ng Thames International School na maraming posibleng trabaho ang mga graduate ng e-commerce course nila lalo pang maraming demand ngayon sa commerce industry. | ulat ni Lorenz Tanjoco