Tututukan ng Task ForceLa Niña ang mapalawak pa ang komunikasyon sa panahon ng bagyo at iba pang kalamidad.
Ayon kay Presidential Communication Office for Calamities and Natural Disasters Assistant Secretary at Task Force La Niña Spokesperson Joey Villarama, bahagi ito ng mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan sa pagpasok ng La Niña.
Bukod sa text blast, pinaplantsa na rin ng pamahalaan ang paggamit ng airwave ng state-owned media para sa Emergency Alert System tulad sa ibang bansa.
Sisikapin pa ng Task Force na makipag-ugnayan din sa iba pang pribadong media network para sa kaparehong information dissemination tuwing may kalamidad.
Ginawa ni Villarama ang hakbang matapos makulangan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa information dissemination noong manalasa ang bagyong #CarinaPH lalo na ang pagpapakawala ng tubig ng mga dam.
Sabi pa ni Villarama, asahang maramdaman na ang epekto ng La Niña sa pagpasok ng buwan ng Setyembre hanggang Nobyembre o bago matapos ang taon.| ulat ni Rey Ferrer