Dadalhin ng binuong QuadComm ng Kamara ang pagsisiyasat nito sa Pampanga.
Ayon kay Dangerous Drugs Committee Chair Robert Ace Barbers, ngayong araw isasagawa ang organizational meeting ng QuadComm para ilatag ang committee rules.
August 15 naman o sa Huwebes posibleng ikasa ang unang hearing ng joint committee at gagawin aniya ito sa Pampanga.
Paliwanag niya, nasa Pampanga kasi ang isa sa mga na-raid na POGO hub at dito rin nasabat ang nasa ₱3.6 billion na halaga ng iligal na droga, Setyembre ng nakaraang taon.
Maliban dito, may ilan sa key witnesses sa usapin ang nasa Pampanga.
“Kasi ang ano natin, mayroon pa tayong witnesses na nandyan dyan malapit sa lugar na yan na pwedeng humarap at pwedeng magbigay ng information. Kaya dadalhin natin ang committee dyan sa lugar na yan ngayong August 15. Kasi dun nga sa usapin ng POGO, human trafficking, torture, human rights violation at saka yung alleged drugs, eh maaring mayroon mga mag-share mga information dyan,” sabi ni Barbers.
Kasama naman sa mga iimbitahan ang acting mayor ng Bamban, Tarlac, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) personnel, opisyal ng PAGCOR, ilang heneral ng PNP gaya ni Police Major General Romeo Caramat Jr., at General (Eleazar) Mata ng Philippine National Police Drug Enforcement Group.
Ang QuadComm ay binuo para mas malalim na maimbestighan ang koneksyon ng mga POGO, iligal na droga, at EJK. | ulat ni Kathleen Jean Forbes