Utang na doctor’s fee sa ilalim ng medical assistance program ng pamahalaan, pinatutugunan ng House Appropriations Chair

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nakipagpulong si House Committee on Appropriations Chair at Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co sa mga opisyal ng Department of Health (DOH) sa pangunguna ni Health Secretary Ted Herbosa, upang tugunan ang hinaing ngayon ng mga indigent na pasyente sa ilalim ng Medical Assistance for Indigent Patients Program o MAIPP

Aniya, hindi sila agad nakakatanggap ng atensyon medikal dahil sa atrasadong pagbabayad ng doctor’s fees sa ilalim ng naturang programa.

Giit ni Co, hindi uubra ang sistemang mabagal sa pagbayad sa mga doktor.

Kung mas magiging mabilis aniya ang pagbabayad sa doctor’s fee ay magiging mabilis din ang pagpapaabot ng serbisyo sa mga nangangailangan.

“Kailangan nating tiyakin na ang ating mga doktor ay tumatanggap ng bayad sa tamang oras. Kung mas mabilis nating mababayaran ang mga doktor, mas marami ang magiging handang tumulong sa ilalim ng MAIPP. Hindi dapat nagiging sagabal ang payment delays sa pagserbisyo sa ating mga kababayan,” aniya.

Una nang itinulak ni Co ang pagkakaroon ng corporate credit card upang mapabilis ang pagbabayad o disbursement ng pondo ng MAIPP.

Ang mga hindi naman nabayaran pang professional fee ay maaari nang i-convert sa tax credits, ngunit mangangailangan pa aniya ito ng batas.

Isa pa sa suhestyon na magkaroon ng survey sa mga doktor na bukas tumanggap ng MAIPP payments.

Ito ay para makapunta sa healthcare provider ang pasyente na papayag sa term of payment ng programa.

Nangako naman ang mga opisyal ng DOH, na maglalabas ng mas malinaw na panuntunan para sa MAIPP lalo na sa pagbabayad ng mga professional fee.

“Ang mahalaga ay magtulungan tayo para masolusyunan ang problemang ito. Hindi tayo titigil hangga’t hindi natin napapabuti ang sistema para sa kapakanan ng ating mga doktor at mga pasyente (What’s important is we are helping each other find a solution to this problem. We won’t stop until we have improved the system for the benefit of our doctors and patients),” sabi ni Co. | ulat ni Kathleen Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us