Naghahanda ng ang Philippine Coast Guard (PCG) sa inaasahang pagdating bukas, August 5, ng barko ng Vietnam Coast Guard (VCG) sa Maynila para sa apat na araw na pagbisita nito sa bansa.
Ang nasabing pagdaong ng VCG CSB 8002 sa Pilipinas ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng dalawang coast guard na palakasin pa ang kanilang kooperasyon at mutual understanding.
Binanggit ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil L. Gavan, na ang pagbisitang ito ay mahalaga para sa pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng dalawang maritime agency.
Pinamumunuan naman ni Colonel Hoang Quoc Dat, Vice Commander ng VCG Region 2, ang humigit-kumulang 80 tripulante ng kanilang barko.
Ilang aktibidad din ang nakalatag sa pagdating ng VCG sa bansa kabilang ang isang vessel tour, courtesy call, at fellowship sports event kasama ang mga tauhan ng PCG. Magkakaroon din ng pagpupulong para sa pagpaplano ng pagsasanay sa search and rescue at sa fire and explosion prevention. Maliban dito magkakaroon din ng pagbisita sa mga pasilidad sa National Coast Watch Center at Marine Science Investigation Force Laboratory ng PCG, pati na rin ang paglilibot sa BRP Gabriela Silang.
Ang kolaborasyong ito ay kasunod ng paglagda ng Memorandum of Understanding (MOU) sa maritime cooperation na naganap sa unang bahagi ng taon kung saan magtatatag ang dalawawang bansa ng isang Joint Coast Guard Committee (JCGC) at mekanismo para sa pagbuo ng isang hotline communication.
Maaalalang nalagdaan ang MOU nang bumisita si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Hanoi nitong Enero.
Inaasahan namang magtatagal hanggang sa ika-9 ng Agosto ang pagbisita ng sasakyang pandagat ng VCG sa Pilipinas.| ulat ni EJ Lazaro