Sinalakay ng mga tauhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at National Bureau of Invetigation (NBI) ang isang stall at warehouse na naglalaman ng mga iligal na vape sa Taytay, Rizal.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., nasamsam sa naturang raid ang nasa 7,920 piraso ng vape brand na Flava at iba pang vape products.
Tinatayang nasa higit ₱6.82 milyon din ang halaga ng tax liability mula sa mga sinalakay na warehouse.
Nag-ugat ang operasyon mula sa sumbong ng isang concerned citizen kaugnay ng isang market stall sa Taytay na nagbebenta ng vape products na walang BIR internal revenue stamps.
Matapos ang surveillance ay nadiskubre pa ng mga operatiba ng BIR ang isang warehouse sa Brgy. San Juan, Taytay, Rizal, kung saan nakaimbak ang mas marami pang vape products.
Bukod sa mga iligal na vape products, hindi rin rehistrado at walang business permit ang ni-raid na stall at warehouse sa Taytay.
Dahil dito, sasampahan ang may-ari ng negosyo ng paglabag sa Tax Code, partikular ang Section 144 – Tobacco Products, Heated Tobacco Products, and Vapor Products; Section 106 – Value-Added Tax on Sale of Goods or Properties; Section 146 – Inspection Fee; Section 248B – Civil Penalties; Section 249B – Interest; at Section 263 – Unlawful Possession or Removal of Articles Subject to Excise Tax Without Payment of the Tax.
“We encourage the public to report vape products being sold without internal revenue stamps,” ani Commissioner Lumagui. | ulat ni Merry Ann Bastasa