Nanawagan ng pagkakaisa ang Department of National Defense (DND) para sa pagtataguyod ng karapatang pantao at kapayapaan sa panahon ng karahasan.
Ito ang binigyang diin ni Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr. kasabay ng paggunita ngayong araw sa International Humanitarian Law Day.
Aniya, mahalaga ang papel ng bawat isa sa lipunan na mapangalagaan ang kapakanan ng bawat kababayan sa gitna ng gulo at armadong pakikibaka.
Sa kaniyang panig, hinimok ni Foreign Affairs Sec. Enrique Manalo ang bawat isa na dapat ay walang maiiwan sa panahon ng digmaan o kalawang kasiguruhan.
Kailangang magkaroon ng sama-samang pagkilos ang bawat Pilipino bilang nagkakaisang bansa na matupad ang hangaring maipagtanggol ang karapatan at mapanatili ang kapayapaan.
Maliban kina Teodoro at Manalo, dumalo rin sina AFP Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner Jr, Commission on Human Rights Chairperson, Atty. Richard Paat Palpal-latoc.
Gayundin sina Philippine Red Cross Chairman Richard Gordon at International Committee of the Red Cross Chair Johannes Bruwer.
Dumalo rin sa naturang okasyon si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Sec. Carlito Galvez Jr. | ulat ni Jaymark Dagala