Tinatayang umabot sa bilang na 10,483 examinees mula sa higit 12,000 aplikante ang natuloy na kumuha ngayong araw, ng itinuturing na isa sa mga pinakamahirap na pagususulit sa bansa, ang Bar examinations para sa mga nangangarap maging mga susunod na abogado.
Sa nasabing bilang, 5,234 ang mga bagong aplikante; 4,060 ang mga muling kumuha ng pagsusulit, habang nasa bilang na 1,189 ang refreshers na nag-take ng bar.
Ayon kay Associate Justice Mario V. Lopez, tagapangulo ng 2024 Bar Examinations, ipinakita ng mga aplikante ang hindi matitinag na dedikasyon, kahit ang iba sa mga ito ay humarap sa mga hamon tulad ng hindi pagkumpleto ng kurso o mga hindi inaasahang pangyayari na nagdulot ng pag-atras ng iba. May ilan kasing hindi nakakuha ng Bar ngayong araw dahil ang mga ito ay hindi nakapagtapos, na requirement sa pagkuha ng pagsusulit.
Kasalukuyang isinasagawa ang Bar Exams sa 13 testing centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang mas mapalawak ang access nito sa mga examinees. Gayundin ang pagsasagawa ng ilang reporma tulad sa digitalisasyon, na layuning gawing mas maayos at mapanatili ang integridad ng pagsusulit.
Inaasahang ilalabas naman ang ang resulta ng Bar pagsapit ng unang bahagi ng Disyembre 2024, habang ang panunumpa ay itinakda naman sa darating na ika-24 ng Enero 2025. | ulat ni EJ Lazaro