Patuloy ang imbestigasyon ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa mga iregular na birth certificate na naibibigay sa mga dayuhan sa pamamagitan ng late registration of birth process.
Sa budget hearing ng proposed 2025 budget ng National Economic and Development Authority (NEDA), sinabi ni PSA chief Dennis Mapa na sa ngayon ay naendorso na nila sa Office of the Solicitor General (OSG) ang proseso ng pagkansela ng 18 na irregular birth certificate.
Kabilang na aniya dito ang birth certificate ni dating Mayor Alice Guo.
Base sa proseso, ang OSG ang mangangalap ng ebidensya at magsasampa ng kaso sa Court of Appeals (CA) para tuluyang makansela ang birth certificate ng isang indibidwal.
Sinabi rin ni Mapa na sa 1,624 na local civil registrars sa buong bansa, 49 ang nakitaan ng report ng paglalabas ng mga iregular na birth certificate.
Sa bilang na ito, 15 na local civil registrars ang kumpirmadong naglabas ng birth certificate sa mga dayuhan na hindi tama.
Kaugnay nito, nagsumite na ang PSA ng rekomendasyon sa mga alkalde ng mga local civil registrars na ito para makasuhan sila.
Nilinaw kasi ng PSA na hindi sila, kundi ang mga lokal na pamahalaan ang may hawak sa mga local civil registars.| ulat ni Nimfa Asuncion