Labinsiyam na babaeng graduates ang nakakuha ng degree sa Bachelor of Science in Entrepreneurship sa ilalim ng programang “No Woman Left Behind” ng Quezon City government para sa mga taong pinagkaitan ng kalayaan (PDLs).
Ang graduation ceremony, na ginanap sa Camp Karingal, ay dinaluhan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, Justice Undersecretary Margarita Gutierrez at iba pang opisyal ng QC Government at QC Jail Female Dormitory.
Ayon kay Mayor Belmonte, patunay lang ito na hindi hadlang ang bilangguan para lang makapag-aral at makamit ang pangarap.
Sa 19 na nagtapos, isa ang convicted, anim ang nakalaya at nakatapos ng programa online, at 12 ay nakakulong pa rin at on-going ang kaso.
Bilang entrepreneurship graduates, bibigyan sila ng pagkakataong maka-avail ng Pangkabuhayang QC Assistance Program at Tindahan ni Ate Joy program.
Ang mga nagsipagtapos ay magkakaroon din ng pagkakataon na makapagtrabaho sa pamamagitan ng QC Public Employment Services Office kapag nakalabas na.| ulat ni Rey Ferrer