Tinatayang umabot sa humigit-kumulang sa 1,000 pamilya ang naapektuhan ng sunog na sumiklab kahapon ng tanghali sa Aroma St., Road 10, Tondo, Lungsod ng Maynila na tumupok sa ilang istruktura at kabahayan sa lugar.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa pangunguna ni Fire Senior Inspector Alejandro Ramos, Chief Investigator ng Manila BFP, naiwang nilulutong pagkain ang pinagmulan ng sunog.
Umabot naman sa pito ang nasagutan sa sunog, ayon sa BFP, na pawang mga minor injuries lamang umano habang walang naitalang nasawi ang mga rumespondeng awtoridad.
Pawang gawa naman sa light materials ang mga istruktura sa lugar kaya naman, ayon sa BFP, naging dahilan upang mabilis na kumalat ang apoy. Hindi rin nakatulong ang malakas na hangin at makitid na mga eskinita sa lugar sa pag-apula ng apoy.
Kahapon, makikitang tumulong na rin ang Philippine Air Force sa pag-apula ng sunog na may dalang tubig sa pamamagitan ng bambi bucket at ilang beses na nagpapabalik-balik sa lugar.
Bandang 6:20 kagabi ay idineklara ng fire under control ang sunog na naganap sa Tondo na kalaunay idineklarang fire out pagsapit ng 12:17 ng hatinggabi kanina.
Nasa P2.5 milyon naman ang estimated na halaga ng pinsala sa ari-arian ng nangyaring sunog.
Nagpaabot na rin ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pangunguna nina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo Nieto ng mga karagdagang tulong tulad ng mainit na makakain, pansamantalang masisilungan, at iba pang mga posibleng mga kagamitan na kakailanganin ng mga naapektuhang residente sa Tondo.| ulat ni EJ Lazaro