Inaresto ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang puganteng South Korean national habang nag-a-apply ng extension ng kanilang tourist visa sa mismong tanggapan nito sa Maynila.
Kinilala ang mga inarestong pugante na sina Lee Wonwoong, 33 taong gulang, at Huh Hwan, 60 taong gulang, matapos matukoy sa routine check na may derogatory records ang mga ito. Si Lee ay may kaso sa South Korea dahil sa pagpapatakbo ng ilegal na pasugalan, habang si Huh ay nahaharap sa fraud chages.
Isinagawa ng Fugitive Search Unit ng BI ang nasabing pag-aresto matapos maglabas ng mission order si Officer-in-Charge Joel Anthony Viado, na pinuri din ang pagsisikap ng mga tauhan ng BI sa naganap na operasyon.
Dinala na ang dalawang pugante sa Camp Bagong Diwa sa Taguig habang hinihintay ang kanilang deportation.| ulat ni EJ Lazaro