Nakiisa ang iba’t ibang local government units (LGUs) sa Metro Manila kasama ang mga ahensya ng pamahalaan at iba pang mga grupo ngayong araw bilang bahagi ng 2024 International Coastal Cleanup Day.
Sa Pasay City, pinangunahan ng Department of the Environment and Natural Resources (DENR) sa pangunguna ni Sec. Toni Yulo-Loyzaga katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG), Civil Service Commission (CSC) at aabot sa higit 15,000 volunteers ang paglilinis sa dalampasigang sakop ng SM by the Bay sa Mall of Asia.
Kasabay rin nito ang paglilinis sa dalampasigan sa Manila Baywalk Dolomite Beach sa Lungsod ng Maynila na nilahukan din ng iba’t ibang grupo. Matapos nito, ilang turista rin ang nag-set up ng mga sapin at nanatili sa lugar para mag-picture taking kasama ang pamilya at kani-kanilang mga kaibigan.
Habang sa Lungsod naman ng Taguig, personal na pinangunahan ni Mayor Lani Cayetano ang pakikiisa sa kaganapan sa Barangay Ligid at Ibayo-Tipas na dinaluhan ng iba’t ibang kawani ng lokal na pamahalaan at mga residente.
Ang International Coastal Cleanup (ICC) ay ang itinuturing na largest volunteer effort sa mundo para sa kalusugan at kapakanan ng karagatan na isinasagawa tuwing ikatlong Sabado ng Septyembre bawat taon. | ulat ni EJ Lazaro