Matapos ang higit isang taon na deployment ban sa Kuwait, tuluyan nang nakaalis sa Pilipinas ang unang batch ng mga overseas Filipino worker (OFW) na binubuo ng 35 domestic workers.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), sumailalim muna ang mga OFW sa masusing pre-departure briefings kung saan ipinaliwanag ang kanilang mga karapatan at responsibilidad bilang manggagawa sa Kuwait.
Tiniyak din ng DMW na patuloy nilang tututukan ang kalagayan ng mga Filipino domestic workers sa nasabing bansa.
Matatandaang sinuspinde ng Pilipinas ang deployment ng mga Filipino domestic workers at skilled workers sa Kuwait matapos ang pagpaslang sa OFW na si Jullebee Ranara noong nakaraang taon.| ulat ni Diane Lear