Tinatayang umabot na sa higit apat na milyong international visitors ang naitatala ng Department of Tourism (DOT) na dumating na sa bansa hanggang nitong Septyembre, ibig sabihin, nangangalahati na ito sa target ng ahensya para sa katapusan ng 2024.
Ito ay sa kabila ng kakulangan pang nasa 3.6 milyon foreign visitors para sa target na 7.7 milyon, na ayon kay Tourism Secretary Christina Garcia Frasco sa pagbubukas ng 35th Philippine Travel Mart sa SMX Convention Center, ito ay nagpapakita ng patuloy na interes ng mga dayuhan sa bansa.
Samantala, tungkol sa kita mula sa turismo, nakamit ng sektor ang full recovery mula sa pandemya, na nakakuha ng P362 bilyon na kita mula Enero hanggang Agosto 2024.
Ito ay higit sa 111% na pagtaas kumpara sa P326 bilyon na naitala sa parehong panahon ng 2019.
Ayon kay Frasco, maiuugnay ang financial rebound ng turismo ng Pilipinas mula sa lumalawak na “appeal” ng bansa at ang matatag na pagbangon ng sektor ng turismo.
Idinagdag pa ni Frasco na plano ng DOT na dagdagan pa ang pag-akit nito sa mga dayuhang turista sa pamamagitan ng pagpapalawak pa ng kanilang mga programa.
Nakatuon din sa ngayon ang departamento sa experiential tourism at paglikha ng mga natatangi at nakaka-engganyong karanasan sa mga turistang bibisita sa bansa. | ulat ni EJ Lazaro