Nais ng Kongreso na makapag-install ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng hindi bababa sa 50,000 password-free Wi-Fi hotspots upang mapalakas ang internet connection at sumipa ang ekonomiya ng bansa lalo na sa mga geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs).
Ayon kay House Committee on Appropriations Vice-Chair Luis Campos Jr., para maisakatuparan ito ay kailangan ng DICT na makapaglagay ng dagdag na 36,538 na bagong hotspots mula sa kasalukuyang 13,462.
Tinukoy ng mambabatas na sa 10% na pagtaas ng internet penetration rate ay makakalikha ito ng ₱342-billion na bagong economic benefit.
Hindi naman aniya magiging problema ang pagpopondo dahil may nakalaang budget dito galing sa spectrum user fee salig sa Free Internet Access in Public Places Law.
Kasabay nito nais naman ng komite na maglabas ng karagdagang budget ang Department of Budget and Management (DBM) tuwing makakamit ng DICT ang 70% utilization rate sa inilabas na pondo pambayad sa subscription o para sa dagdag hotspot.
“Right now, the DICT is already spending around ₱500-million every month just to pay for the subscription fees for the 13,462 hotspots that already have 10 million unique users,” ani Campos.
Matatandaan na noong Pebrero ay naglabas ang DBM ng ₱2.45-billion para sa free WiFi program at karagdagang ₱3.68-billion nitong Agosto. | ulat ni Kathleen Jean Forbes