Anim ang ang kumpirmadong patay dahil sa epekto ng habagat na pinaigting ng bagyong Enteng sa Antipolo City.
Sa isang panayam kay Antipolo City PIO Relly Bonifacio, sinabi nitong dahil sa malakas na buhos ng ulan lumabot ang lupa nagkaroon ng landslide sa Sitio Hinapao, Antipolo City na naging dahilan upang matabunan ang ilang kabahayan.
Ayon pa kay Bonifacio, kabilang sa mga nasawi ay magkapatid na lalaki at kapitbahay na buntis.
Mayroon ding narekober na nalunod sa Brgy. San Isidro, at dalawa ang nalunod sa Brgy. San Luis.
Samantala, ayon sa monitoring ng Antipolo City CDRRMO, isa ang nawawala mula sa Brgy. Sta. Cruz.
Sa mga sandaling ito, umaabot na sa 697 indibidwal o katumbas ng 184 na pamilya ang inilikas sa mga evacuation center sa Antipolo. Kabilang sa mga evacuation center ay sa Brgy. Dalig, Dela Paz, San Isidro, San Jose, San Luis at Sta. Cruz. | ulat ni Diane Lear