Tinatayang umabot na sa 97.43% ng langis na dala ng lumubog na MTKR Terra Nova sa karagatang sakop ng Limay, Bataan, ang na-recover na ng salvor ship na Harbor Star, ayon sa pinakahuling inspeksyon na isinagawa sa pangunguna ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon sa PCG, ito katumbas ng 1,415,954 litro ng langis na nakuha mula sa lumubog na barko. Dagdag pa rito ang 17,725 kilo ng solid oily waste na nakuha sa pagsasagawa ng extraction.
Subalit, ayon sa kanilang tala, may 37,867 litro ng langis, o 2.57%, ang nawala dahil sa iba’t ibang mga dahilan tulad ng biodegration at mga sludge na hindi na makuha sa pamamagitan ng siphoning.
Siniguro naman ng Incident Command Post sa kanilang huling stripping operation para masiguro na wala nang laman ang mga oil tank ng barko upang maiwasan ang leakage o oil contamination sa nalalapit na salvage operation ng MTKR Terra Nova. | ulat ni EJ Lazaro