Ipinaabot ni ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo ang pasasalamat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagtitiwala nito para siya ay maisama sa senatorial slate ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas Coalition.
Sa isinagawang convention ng administration coalition nitong umaga, ay isinapubliko na ang 12 kandidato ng administrasyon para sa 2025 midterm elections kung saan kasama si Tulfo.
Aniya, kinausap siya ng Pangulo noong nakaraang linggo para siya ay imbitahan na maging bahagi ng admin slate upang maipagpatuloy ang mga programa ng legislative agenda ng administrasyon.
Hindi naman aniya siya makatanggi sa Pangulo lalo at matagal na rin naman aniya niya itong kilala.
Sakali naman na palarin, ipagpapatuloy pa rin aniya niya ang nasimulang adbokasiya na tumulong sa mga nangangailangan, lalo na ang pagsusulong sa kapakanan ng mga solo parent, kasapatan ng pagkain pati ang pagpapanagot sa mga opisyal ng gobyerno na namimili ng kanilang tutulungang indibidwal. | ulat ni Kathleen Forbes