Nagpahayag ng buong suporta si House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo, sa Sexual Orientation and Gender Identity and Expression and Sex Characteristics (SOGIESC) Equality bill.
Giit ni Tulfo sa pagsasabatas ng panukalang ito ay mapo-protektahan ang mga karapatan ng LGBTQIA+ community sa bansa.
Sa kanyang interpelasyon sinabi pa ni Tulfo na bilang isang katoliko, dating semenarista, sinusuportahan niya ang panukala dahil sa kabila ng pagiging konserbatibo ng Simbahang Katolika, mismong ang Santo Papa aniya ay kinikilala ang ang pagkakaroon ng civil legislation para sa karapatan ng same-sex couples sa pensyon, health insurance, at inheritance.
Bilang isang media practitioner, iminungkahi rin ni Tulfo ang isang epektibong kampanya ng pagpapalaganap ng impormasyon upang ipaalam sa publiko ang tungkol sa nasabing anti-discrimination bill.
Bilang tugon, kinilala naman ni Bataan Rep. Geraldine Roman, sponsor ang panukala, si Rep. Tulfo at ang kapatid nitong si Sen. Raffy Tulfo, dahil sa kanilang mga “gender sensitive” na programa sa radyo at palaging pagsuporta sa LGBTQIA+ community.
“Natutuwa po ako na mga taong lumalapit sa kanila na bahagi ng LGBTQIA community ay tinatrato na may paggalang, tinatanong muna ano ba ang iyong pronoun of choice at wala po silang nararanasan na diskriminasyon. Sana ganito lang po, sa pamamagitan ng mga magagandang halimbawa sa media po, mainstream media at dumadami naman po, siyempre, sa social media ang sumusuporta sa panukalang batas na ito,” ani Roman. | ulat ni Kathleen Forbes