Nakahanda ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kung sakaling magdesisyon ang pamahalaan na tanggapin ang tulong ng Estados Unidos sa mga resupply mission sa West Philippine Sea (WPS).
Sa pulong-balitaan sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Philippine Navy Spokesperson for the WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na isa ito sa mga opsyon na available sa “policy leaders,” at ipatutupad ng AFP kung ano man ang kanilang desisyon.
Sa ngayon aniya ay may sapat na suplay ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal at maayos ang kalusugan at mataas ang morale ng mga tropa doon.
Ayon kay Trinidad ang Naval Forces West ay kasalukuyang nagpaplano ng susunod na Rotation and Resupply Mission sa BRP Sierra Madre.
Una nang nag-alok ang US Indo-Pacific Command ng tulong sa paghahatid ng mga suplay kung kakailanganin. | ulat ni Leo Sarne