Dumistansya ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa nais ng kampo ni Kingdom of Jesus Christ, Pastor Apollo Quiboloy na ilipat ang kostudiya nito sa Kampo Aguinaldo.
Ayon kay AFP Spokesperson, Col. Francel Margareth Padilla, suportado nila ang mga naging hakbang ng Philippine National Police (PNP) mula nang ikasa ang operasyon nito laban kay Quiboloy.
Binigyang-diin ni Padilla na ang pagkakaaresto kay Quiboloy ay tanging mandato ng Pulisya na kanilang sinusuportahan at magpapatuloy ito para sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan kung kinakailangan.
Una rito, sinabi ng Department of National Defense (DND) na kanilang tinututulan ang anumang mosyon na maglilipat kay Quiboloy sa kustodiya ng Militar.
Iginiit ng kagawaran na may mahigpit na operational security protocols na sinusunod sa mga pasilidad ng AFP at hindi akma na dito manatili ang isang indibiduwal na may kinahaharap na kasong kriminal. | ulat ni Jaymark Dagala