Isang dokumentaryo ng Al Jazeera tungkol sa mga Chinese spy ang iprinesenta ni Davao Oriental Rep. Cheeno Almario sa ika-pitong pagdinig ng Quad Committee.
Tungkol ito sa kwento ni She Zhijang isang espiya ng China na inaming narecruit sa Pilipinas at ngayon ay nakakulong sa Thailand.
Isa sa mga naging kaibigan niya sa kulungan ang binahagian niya ng ilan sa mga mahahalagang impormasyon partikular ang listahan o dossier ng mga state security agents.
Makikita ang isa dito bilang si Guo Hua Ping na ang larawan ay may pagkakahawig kay Alice Guo.
Nakalagay din dito na siya ay ipinanganak sa China at anak ng Chinese citizen na si Lin Wen Yi.
Nang puntahan din ang nakasaad na address ni Guo sa Fujian China ay nakilala ito ng mga nakatira doon at sinabing katapusan ng 2002 umalis doon is Guo.
Pero si Guo, iginiit na hindi niya kilala si She at hindi aniya siya espiya.
Katunayan, plano aniya niya magdemanda dahil wala aniyang katotohanan ang mga sinabi sa naturang dokumentaryo.
Kinuwestyon naman ni Quad Comm Chair Joseph Stephen Paduano, kung bakit hindi sa kaniyang tatay na Chinese sa China umuwi si Guo nang siya ay tumakas.
Tugon ni Guo, dahil aniya ito sa security reasons.
Pero diin ni Paduano naniniwala siya na kaya hindi siya bumalik ng China ay dahil sa orientation ng isang espiya na huwag na huwag uuwi sa bansa na kanilang pinagmulan. | ulat ni Kathleen Forbes