Patuloy ang pagpapakawala ng tubig ng Ambuklao at Binga Dam sa Benguet at pati na ang Magat Dam sa Isabela kasunod ng patuloy na mga pag-ulang dulot ng habagat at bagyong Gener.
Sa inilabas na update ng PAGASA Hydrometeorology Division, kaninang alas-8 ng umaga, nananatiling bukas ang tig-dalawang gate ng Ambuklao at Magat Dam habang isang gate naman ang bukas sa Binga Dam.
Isang metro ang pinapakawalang tubig sa Ambuklao Dam habang nasa tatlong metro naman sa Magat Dam.
Sa ngayon, bahagya nang nabawasan ang lebel ng tubig sa mga naturang dam.
Nasa 751.40 meters ang water elevation ng Ambuklao Dam, 573.28 meters sa Binga Dam habang 186.11 naman sa Magat Dam.
Samantala, nadagdagan naman ang lebel ng tubig sa Angat, Ipo Dam, San Roque, at Pantabangan Dam. | ulat ni Merry Ann Bastasa