Kinumpirma ng Marikina Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) na mabagal ang pagbaba ng lebel ng tubig sa Marikina River.
Ito ay dahil sa patuloy na pabugso-bugsong malakas na ulan.
Ayon sa Marikina DRRMO, dahil dito, mas bumabagal ang pagbaba ng lebel ng tubig dahil mas malaki ang dami ng tubig na pumapasok sa ilog kumpara sa inaasahang pag-agos palabas nito.
Nakakadagdag din sa mabagal na pagbaba ng antas ng tubig sa Marikina River ang mataas na lebel ng tubig sa ibang mga kalapit na ilog.
Bukod pa rito, ang high tide ay isa rin sa mga dahilan ng pagtaas ng tubig-dagat, na nagresulta sa mas mabagal na pag-agos ng tubig mula sa ilog patungo sa dagat.
Tiniyak ng Marikina LGU na patuloy na naka-monitor ang Marikina City Rescue 161 sa sitwasyon at nakikipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente ng lungsod.
Samantala, bahagyang tumaas ang antas ng tubig sa Marikina River mula sa 14.7 meters kaninang alas-4 ng hapon ay nasa 14.8 meters na ito ngayon. | ulat ni Diane Lear