Tuloy-tuloy ang pagtalakay ng Senado sa panukalang batas na ganap nang magbabawal sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Pilipinas.
Paliwanag ni Sen. Sherwin Gatchalian, sa kabila ng utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa inaasahang executive order na ibaba ng Malacañang kaugnay ng POGO ban, kailangan pa rin ng batas para maging permanente ang POGO ban.
Sa ganitong paraan aniya ay hindi na mababaliktad ang POGO ban sinuman ang maging Presidente ng bansa.
Kabilang rin sa pinag-aaralan ng Senate Committee on Ways and Means ang panukalang batas na ipagbawal rin ang iba pang-uri ng online gambling o e-gaming.
Paliwanag ni Gatchalian, kailangan itong ipagbawal dahil malaki ang posibilidad na maadik ang mga Pilipino, lalo na ang mga kabataan dito, gaya na lang ng nangyari noon sa e-sabong.
Pinag-aaralan din kung dapat bang mabigyan ng Exemption ang mga Economic Zones na may mga Special class business process outsourcing (BPO).
Kaiba kasi sa mga POGO, nagsisilbi lang na service provider ang mga special class BPO na ito ng mga kumpanya mula sa ibang bansa at hindi tumatanggap ng mga taya.| ulat ni Nimfa Asuncion