Nagkasundo ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) at Smart Communications para suportahan ang PaspasPilipinasPaspas Project ng pamahalaan.
Layon nitong tulungan ang mga local government unit sa pagtatatag at pagpapatakbo ng kanilang sariling electronic Business One-Stop Shop (eBOSS).
Nakapaloob sa kanilang nilagdaang Memorandum of Agreement ang pangako ng Smart na magbibigay ng 100 computer units—50 desktop at 50 laptops sa piling LGUs sa buong bansa para sa pag-set up at pagpapatakbo ng kani-kanilang eBOSS.
Nagpasalamat naman si ARTA Secretary Ernesto Perez sa patuloy na suporta ng Smart sa gobyerno para mapahusay ang kadalian ng paggawa ng negosyo sa bansa.
Sa panig ng Smart Communications, muling pinatunayan ni Smart Chairman at CEO Manuel Pangilinan ang kanilang pangako na patuloy na suportahan ang mga proyekto ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. | ulat ni Rey Ferrer