Itinalaga ng Philippine Coast Guard (PCG) si Commodore Algier Ricafrente bilang bagong tagapagsalita nito, epektibo Setyembre 27.
Ito ay kasunod ng nalalapit na pagreretiro ni Rear Admiral Armando Balilo na magtatapos sa kaniyang serbisyo sa Setyembre 30 makalipas ang 30 taon nito sa tungkulin.
Bukod sa bagong papel bilang tagapagsalita, magsisilbi rin si Commodore Ricafrente bilang Acting Commander ng Coast Guard Public Affairs Service at ipagpapatuloy ang kanyang tungkulin bilang Deputy Chief for International Affairs.
Sa turnover ceremony na pinangunahan ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, nagpasalamat si Rear Admiral Balilo sa mga kasamahan sa media sa kanilang suporta sa pagpapalaganap ng mga gawain ng PCG. Hinimok niya ang patuloy na kooperasyon sa pag-upo ni Ricafrente bilang bagong tagapagsalita.
Si Balilo ay naging boses ng PCG mula 2003, at nagsilbi sa ilalim ng 19 na commandant.
Maliban sa pagiging tagapagsalita ng PCG, nagsilbi rin si Rear Admiral Balilo bilang Commander ng Coast Guard Civil Relations Service (CGCRS). | ulat ni EJ Lazaro